We're LIVE! Join us as we stream BAC Activities
RAIL REPLACEMENT NG MRT-3, FULL BLAST NA NGAYONG 'BER' MONTHS; PAGPAPALAWIG NG OPERASYON, IPAGPAPALIBAN MUNA

By Merrowen Mendoza on October 22, 2019 under News

e899e31b-f5d8-4a55-b30b-7f2713276954.jpg

QUEZON CITY -- PUSPUSAN ang isasagawang pagpapalit ng mga riles ng MRT-3 ngayong "ber" months.

Sa katunayan, ngayong buwan ng Oktubre ay sisimulan na ang pagwe-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang long-welded rail (LWR) na may habang 180 metro. Pagkatapos nito ay ilalatag ang mga LWRs sa rail tracks.

Kaugnay nito, hindi muna magpapatupad ng extended operating hours ang MRT-3 management upang magbigay-daan sa full blast rail replacement activities.

"Maglalaan po muna tayo ng sapat na oras at panahon para sa rail replacement in the last three months of this year. Masyado na pong sira-sira at baku-bako ang ating mga riles kaya kinakailangan na po talaga itong mapalitan sa lalong madaling panahon. 'Yan po ang direksyon na napagkasunduang pinakamainam matapos po ang aming koordinasyon, at ayon na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Sumitomo at Mitsubishi Heavy Industries," ani MRT-3 Director for Operations Michael Capati.

Dagdag pa ni Dir. Capati, ang pagpapalit at pagsasaayos ng riles ng MRT-3 ay hindi lamang makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng aberya sa buong linya. Magiging mas mabilis din umano ang takbo ng mga tren dahilan upang mapaiksi ang headway o waiting time, at madoble ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng MRT-3.

"Oras po na mapalitan na lahat ng bago ang ating mga riles, sinisigurado po namin na mas magiging maayos at mabilis ang aming serbisyo. Mas bibilis po ang takbo ng ating mga tren, mas magiging maikli po ang paghihintay ng ating mga pasahero, at madodoble din po natin ang ating passenger capacity. 'Yan po ang regalong nais naming maihandog sa aming mga pasahero hindi lang ngayong Pasko, ngunit sa napakarami pang paskong darating," ani Capati.

Ang pagpapalit ng riles ay gagawin tuwing non-revenue hours o mga oras na walang biyahe ang MRT-3, mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw, at target na makumpleto sa Pebrero 2021.

Hinihiling ng ahensya sa publiko ang buong suporta at pag-intindi habang patuloy ang malawakang rehabilitasyon ng linya upang maisakatuparan ang pangakong maibalik sa dating kalidad ang MRT-3.

"Gaya nga po ng sinasabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade, pansamantalang sakripisyo lamang para sa pangmatagalang kaginhawaan. Hinihingi po namin ang inyong suporta, pagtitiwala, at pag-intindi habang ginagawa po namin ang lahat para maibalik sa dating high-grade infrastructure condition ang MRT-3," dagdag ni Dir. Capati.